Patay na at laslas ang leeg nang matagpuan sa loob ng kaniyang bahay ang isang babaeng asawa ng sundalo sa Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Ressian Dumagat, 31-anyos, mula sa bayan ng Camaligan.

Ang sundalong mister ng biktima ang mismong nakadiskubre sa bangkay ng kaniyang asawa at mabilis na nag-report sa pulisya.

Hinihinala ng mga awtoridad na posibleng pinagsamantalahan din ang biktima dahil nakababa nang hanggang tuhod ang kaniyang suot na pang-ibaba.

May nakuhang cell phone at charger malapit sa bahay.

Tutulong na rin umano ang National Bureau of Investigation sa imbestigasyon para madakip ang salarin.—FRJ, GMA News