Pinagbabaril ang sasakyan na minamaneho ni dating Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. sa bayan ng Pili.

Sa pahayag na inilabas ng Police Regional Office 5 (PRO5), sinabing nakaligtas si Andaya, habang nakatakas naman ang mga salarin na sakay ng motorsiklo.

May nakuhang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng insidente.

"[I'm] Ok. But my kids are not taking it lightly. Galit sa akin," sabi ni Andaya sa mga mamamahayag.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente sa Maharlika Highway sa Barangay Palestina dakong 5:45 a.m.

Iniutos naman ni PRO5 chief Police Brigadier General Jonnel Estomo, na imbestigahan ang pangyayari.

Isang special provincial investigation team ang binuo para matukoy ang mga salarin.

"Makakaasa po kayo na kami ay makikipagtulungan sa mga witnesses at mga local government official ng Camarines Sur upang mapabilis na pagtukoy at pagresolba sa insidenteng ito," ani Estomo.--FRJ, GMA News