Nagtamo ng malubhang mga sugat sa katawan ang isang 71-anyos na Pinoy matapos siyang pagsasaksakin kamakailan sa labas ng trolley station sa El Cajon, California, ayon sa ulat ng ABC News.

Papunta na umano sa trabaho sa isang manufacturing facility ang biktimang si Jose Serra, nang atakihin siya ng salarin sa Arnele Avenue trolley stop noong umaga ng November 3.

Tumakas ang salarin matapos ang pananaksak at dala ang patalim na ginamit sa krimen.

Inilarawan ang salarin na Hispanic male, may mga tattoo at kalbo.

Nagtamo ng mga sugat sa kamay, braso, likod ng ulo, at tiyan si Serra.

Sa kabila ng mga tinamong sugat, naniniwala ang kaibigan ni Serra na si Todd Jones, na makaliligtas ang biktima.

Bago ang insidente, napag-alaman na nawalan ng trabaho si Serra bilang janitor.

Gumawa ng Gofundme campaign si Jones para matulungan si Serra sa gastusin sa pagpapagamot. --FRJ, GMA News