Inilahad ni Ashley Rivera, na makakasama sa upcoming sitcom na "Happy ToGetHer," ang kaniyang first impression sa leading man nito na si John Lloyd Cruz.

"Hindi ko in-expect na ang tangkad niya pala! 'Yun 'yung first impression ko. Parang 'Oh my gosh ang tangkad mo pala!'" sabi ni Ashley sa Kapuso Showbiz News.

"Tapos, nakaka-starstruck. Hindi ko kinaya talaga," dagdag pa ni Ashley, na kilala rin sa alter ego niyang si Petra Mahalimuyak.

Ayon kay Ashley, dati na niyang nakita nang personal si John Lloyd, pero hindi pa rin niya naitago ang kaniyang kilig nang makatrabaho na niya ito.

"Actually na-meet ko na siya before pa, na-starstruck na rin ako. Pero ito 'yung kumbaga 'yung magkasama kami sa trabaho tapos na-starstruck pa rin ako, tapos mawawala ako sa sarili ko. 'Oh my gosh, wait! Hindi ko ma-contain talaga 'yung kilig ko,'" saad ng Bubble Gang babe.

Napansin din ang pagiging palabiro ni Lloydie.

"Mabait siya. He's super nice, and genuine 'yung kung paano siya. Marunong siyang makisama. May sense of humor din siya, nakakatawa siya. Minsan lang siya humirit pero pasok 'yung joke niya."

Madali naman daw nakapag-adjust si Ashley sa sitcom ni John Lloyd, dahil nahasa na siya sa Bubble Gang.

"'Yung set namin itself sa Happy ToGetHer, it's somewhat similar to Bubble Gang. So sabi ko, grabe parang Bubble Gang lang din. Nandoon ako sa comfort zone ko, hindi nga siya ganoon like, big transition for me."

Inilahad ni Ashley na ibinigay sa kaniya ang kaniyang role nang makapasa siya sa audition.

"I would say 'yun 'yung reason kung bakit ako nakapasok dito. Of course, ang laking tulong ng Bubble Gang sa akin kasi I don't think I would be an effective comedienne kung hindi ako nahasa sa Bubble Gang."

Ipinakita na ang teaser ng "Happy ToGetHer" sa Kapuso Network.

Sa 30-second clip na teaser, makikita rin na bahagi ng sitcom sina Miles Ocampo at Carmi Martin, na tila miyembro ng pamilya ng karakter ni John Lloyd.

Bukod kay Ashley, Kasama rin sina Jayson Gainza at si Jenzel Angeles.

Makikita rin sa background ang car shop na setting ng kuwento. – Jamil Santos/RC, GMA News