Sumalang si John Lloyd Cruz sa "keyword interview"  kung saan kailangan niyang ihayag kung ano ang unang papasok sa kaniyang isip tungkol sa ilang personalidad at pangyayari sa kaniyang buhay.

Sa Online Exclusive ng GMA Network, sinabi ng aktor na "embraced" ang una niyang naisip tungkol sa "GMA Network."

Tungkol naman sa upcoming sitcom na "Happy ToGetHer," inihayag naman ni John Lloyd ang mga salitang "reunion, family, finally."

"Surreal" naman ang kaniyang nasabi tungkol sa kaniyang pagbabalik sa trabaho matapos magpahinga ng ilang taon.

Pagdating sa pangalan ni Bea Alonzo na ka-love team niya sa maraming proyekto, sabi ni Lloydie, "Most familiar-unfamiliar person," na kaniyang nakilala.

"Si Bea is like the most unfamiliar-familiar person I know," saad niya. "Ewan ko ba, parang gano'n. Familiar and unfamiliar at the same time. Parang local and foreign, parang ganu'n."

Muling nagkasama sina John Lloyd at Bea sa isang mini movie na "One True Pair" ng Jollibee Studios.

Samantala, tinawag naman ni Lloydie na "manager" ang "Eat Bulaga" dabarkads na si Maja Salvador.

"Si Maja, binaligtad niya ang aming roles. Ako na ang pinagsasabihan niya ngayon, ako na 'yung nakikinig sa kaniya, kay Ma'am Maj."

"'Yes ma'am!' 'No ma'am, I will never say no ma'am. Only yes ma'am!' 'Moving on ma'am,'" biro ni John Lloyd.

--FRJ, GMA News