Naimbitahan si John Lloyd Cruz ng Cinemalaya na maging photographer na kukuha sa mga portrait ng mga filmmaker na kasali sa kompetisyon nitong 2022.

"This year, sa pambihirang pagkakataon, isang aktor ang humawak ng camera para kumuha ng larawan ng mga direktor. Yes, it’s the big swap we didn't see coming!" saad ng Cinemalaya sa kanilang Facebook post.

"Dalawang araw nakasama ng mga CINEMALAYA 18 filmmakers ang aktor na si JOHN LLOYD CRUZ para kuhaan sila ng portraits," dagdag pa ng Cinemalaya.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing makikita ang mga portrait na kuha ni John Lloyd sa muling pagbubukas ng Cultural Center of the Philippines para sa Cinemalaya sa Agosto. —Jamil Santos/VBL, GMA News