Mariing pinabulaanan ni Ken Chan ang mga usap-usapan na sumama ang loob niya sa kaniyang ka-love team na si Rita Daniela matapos na magdalang-tao ang aktres.

Sa podcast na "Updated With Nelson Canlas," nilinaw din ni Ken na kahit magka-love team sila ni Rita, hindi sila nagkaroon ng romantikong relasyon.

"Akala kasi ng mga tao na kami ni Rita po," sabi ni Ken.

"Noong nagdalang-tao siya, akala nila magkagalit kami, na nagalit ako sa kaniya dahil nasayang 'yung love team namin, na nagalit siya sa akin kasi hindi ko raw maintindihan 'yong mga issue. You know, hindi totoo ang lahat ng 'yon eh, hindi totoo na galit kami sa isa't isa, hindi," paliwanag ng aktor.

Sa halip, nananatili ang suporta ni Ken sa kaniyang kaibigan na si Rita, na matagal nang pinangarap na magkaroon ng anak.

"We support each other. And alam ko na pangarap ni Rita, no'ng ginagawa pa lang namin ang 'My Special Tatay,' every time na karga niya si Baby Angelo lagi niya sinasabi, 'Gusto ko na magkaroon ng baby boy, gusto ko na magkaroon ng anak.'"

"Alam kong pangarap niyang magkaroon ng anak at itong nangyari sa kaniya na binigay sa kaniya ni Lord, 'yong blessing na hinihintay niya na magkaroon ng baby. Napakasaya ni Rita and I'm so proud of her. I'm so happy for her dahil alam ko na natupad yung isa sa mga pangarap niya ang magkaroon ng baby boy," dagdag ni Ken.

Umaasa si Ken na muli magkakasama ni Rita sa proyekto.

Nitong nakaraang Hulyo nang ibahagi ni Rita ang kaniyang pagbubuntis. Dito sinabi ng aktres na nagkaroon siya ng bagong inspirasyon dahil sa kaniyang baby.

"Hindi pa naman natatapos 'yong career ni Rita porket manganak siya 'no... I believe na mas magiging fierce si Rita after niyang magluwal ng kaniyang baby, mas magiging focused siya sa trabaho niya, 'yong drive niya sa pagiging aktres mas nandoon because meron nang rason kung bakit at yon 'yong anak niya," komento ni Ken.--FRJ, GMA Integrated News