Matutunghayan ng fans nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang love story ng dalawa sa "Julieverse" concert, na nagsimula bilang co-hosts sa show hanggang sa maging more than friends.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing gaganapin ang concert sa Nobyembre 26 sa Newport Performing Arts Theater.

May mga pasabog at sorpresa sina Julie at Rayver na siguradong kikiligin ang fans.

"Sobrang excited kaming dalawa kasi first concert namin together, and may pagkakaiba ito sa Limitless. Ito namang Julieverse concert, mas collaborative 'yung magiging konsepto ng concert. Gusto rin naming ialay ito para sa fans namin," sabi ni Julie.

Proud si Julie sa pag-effort ni Rayver para lalo pang gumanda ang Julieverse.

"Sa bawat concert, kailangan laging may pasabog. Bagong pasabog ito. But not just me, we will do it together. So excited din ako na siyempre, mapanood din si Ray. Nakaka-proud lang kasi lalo siyang gumagaling, pagaling talaga siya nang pagaling," anang Asia's Limitless Star.

Maliban sa kanilang Tiktok dance moves, duets, hilig din nina Julie at Rayver na mag-jam sa gitara. Katunayan, si Julie pa ang nagturo kay Rayver para lalo pang gumaling sa pagtugtog ng gitara.--Jamil Santos/FRJ, GMA News