Ipinaliwanag ni Rhian Ramos kung bakit "wifey" ang tawagan nila ng kaniyang best friend at housemate na si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, ikinuwento ni Rhian na sumisigaw sila ng "Honey, I'm home!," kapag may umuwi na sa kanila.

"Every time na umuwi kami from work or from anywhere, when we open the door sinisigaw talaga namin at the top of our lungs, 'Honey, I'm home!' Dahil 'yun 'yung nakikita mo sa movies," natatawang kuwento ni Rhian.

"So 'pag may sumigaw na nang ganun, 'yung isa naman, whoever is home, will open the door, 'Honey, welcome home!'" patuloy niya.

Hanggang sa naisip na raw nila na para na silang mag-asawa na nakatira sa iisang bahay at alam ang lahat tungkol sa isa't isa.

"Natatawa na lang kami sa isa't isa na parang, 'Para nga talaga tayong mag-asawa.' We are partners forever," patuloy ni Rhian.

Kasama rin nina Rhian at Michelle bilang malapit na kaibigan si Max Collins, na malapit din lang ang bahay sa kanila.

"We're really family that got to choose members," ani Rhian.

Kamakailan lang, inamin ni Michelle na bisexual siya. Ayon kay Rhian, batid niya ang gagawing pag-amin ng kaibigan.

Sa naturang panayam, kinumpirma ni Rhian na nagkabalikan na sila ng nobyo na businessman-turned- politician na si Sam Verzosa.

Mapapanood si Rhian sa bagong Kapuso murder mystery series na "Royal Blood," na magsisimula ngayong Lunes, June 19, pagkatapos ng "Voltes V: Legacy." —FRJ, GMA Integrated News