Nagbigay-pugay din si Anne Curtis sa kaniyang mister na si Erwan Heussaff dahil sa pagiging mabuti nitong ama sa kanilang anak sa paggunita ng Father's Day nitong Linggo.
Sa kaniyang Instagram account, ibinahagi ng host ng "It's Showtime" ang mga larawan nina Erwan at kanilang anak na si Dahlia sa paglipas ng mga taon. Kabilang ang mga kuha mula sa kanilang mga pamamasyal sa ibang bansa bilang pamilya.
"Happy Papa's Day to Dahlia's twin," saad ni Anne. "More than happy to have been your mere vessel."
"Thank you for being the best girl dad ever," dagdag ng aktres.
Madalas na ibahagi nina Erwan at Dahlia sa social media ang kanilang mga espesyal na sandali bilang mag-ama, lalo na kapag magkasama silang nagluluto sa kusina.
Noong Pebrero, nagtungo ang kanilang pamilya sa Japan upang ipagdiwang ang ika-40 kaarawan ni Anne.
Ikinasal sina Erwan at Anne sa New Zealand noong 2017, at nagkaroon ng anak na si Dahlia noong 2020. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

