Inihayag ni Lovely Abella na nahihiya na siya kung minsan na magtanong sa asawang si Benj Manalo kung maganda ba siya sa paningin nito.

"Alam niyo sa totoo lang, okay naman ako na kahit ano 'yung pag-usapan tungkol sa relasyon namin ni Benj. Kaya lang kasi mga 'ga (pangga), 'pag tungkol na sa pagtatanong kung maganda ba ako, sexy ba ako, nahihiya na ako," kuwento ni Lovely sa isang recorded video sa "Mars Pa More."

Ayon kay Lovely, lagi siyang sinasabihan ni Benj ng "Alam mo ang ganda mo," "Alam mo ang sexy mo," kahit may pagkakataon na pakiramdam niya sa sarili niya na lumalaki o tumataba siya.

"Minsan may mga bagay na hindi na lang talaga ako nagtatanong. Basta lagi niya na lang sinasabi sa akin kung comfortable ba ako sa suot ko, kung okay ba ako? Pero most of the time, kung 'Maganda ba ako babe?' 'Okay ba 'yung katawan ko ngayon?' Siyempre bilang asawa, feeling ko gusto niya lagi akong 'Oo babe! Okay ka naman!' Pero minsan siguro hindi niya lang din masabi sa akin 'Medyo tumataba ka,'" sabi ni Lovely.

Pero depensa naman ni Benj, sinasabi niya kung ano ang tunay niyang nakikita sa kaniyang asawa.

"Ako, in my defense, sobrang open kami sa communication namin. So kami, when it comes to that kind of topic, lagi kong sinasabi sa kaniya 'yung compelte honesty, in my eyes. In my perspective, maganda ka. Kung sinasabi mong malaki ka, for my eyes, hindi, okay ka sa akin, so ito 'yung sinasabi ko sa'yo, the complete truth," sabi ni Benj.

"Siguro sa mata ng ibang tao, 'Ay lumalaki ka, kasi ganito, ganiyan.' Eh sa akin, in my perspective talagang okay na okay ka," ayon kay Benj.

Napagtanto ni Lovely na dapat niyang ibahin ang kaniyang tanong kay Benj.

"So ngayon ang itatanong ko dapat lagi sa kaniya, 'Babe sa tingin mo kapag nakita ba ako ni ganito lalaitin ako?'" ani Lovely.

"Kapag ganiyan ang sinabi mo sa akin sasabihin ko 'Oo ma, palitan mo 'yung damit mo,'" sagot naman ni Benj.

Sa sobrang bukas ng kanilang komunikasyon, hindi na raw sinusurpresa nina Lovely at Benj ang isa't isa.

"Sa sobrang open naming dalawa sa isa't isa, nasasabi ko agad 'yung mga surprise ko sa kaniya and everything. So ang ending, wala akong surprise, wala akong nahanda para sa kaniya," kuwento ni Benj.

"Pinag-uusapan namin, na sabihin na lang sa isa't isa kung ano 'yung gusto para gusto," sabi ni Lovely.

Ikinasal sina Lovely at Benj Enero nitong taon.

Bago nito, muling nag-propose si Benj kay Lovely noong Bagong Taon, at nag-propose rin ito sa anak ni lovely na si Crisha Kaye.

Naunang nag-propose si Benj kay Lovely noong 2019. —LBG, GMA News