Nasa 70 government hospitals umano ang lalagyan ng pasilidad para sa mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang pamilya. Samantala, maglalagay naman umano ng mga Health attaché sa mga bansang maraming OFWs.
Ayon sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Lunes, ang proyekto ay magkakaroon ng katuparan matapos pirmahan ng ACTS-OFW party-list at Department of Health (DOH) ang memorandum of agreement para sa paglalagay ng tinatawag na OFW wing sa mga ospital.
Kukunin ang pondo para sa naturang proyekto mula sa Hospital Facility Enhancement Program ng DOH.
Kasama rin umano sa naturang proyekto ang Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Governors League of the Philippines.
Sa MOA signing, pinasalamatan ni ACTS-OFW party-list Representative John Bertiz si Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial para maisagawa ang proyekto.
"Hindi naman ganon kasimple iyon na mag-o-open sila ng ward o wings. We really have to secure a budget pero naging maganda naman ang agreement natin at saka yung pakikipagtulungan ng DOH," anang mambabatas.
Unang magkakaroon ng OFW wing ang Dr. Jose B. Lingad Memorial Hospital sa San Fernando, Pampanga, ang lalawigan na isa umano sa may piakamaraming OFWs.
Inaasahan na 10 pang government hospitals ang magkakaroon ng OFW wards bago matapos ang taon.
Pasok din umano ang OFW ward ang mga dating nagtrabaho sa labas ng bansa.
Sinabi naman ni Ubial, na bahagi ng programa ng pamahalaan ang paglalagay ng health attachés sa mga bansang malaki ang bilang ng OFWs.
Pumayag na umano sina Pangulong Rodrigo Duterte at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na maglagay ng health attachés sa Saudi Arabia, Hong Kong, United States, at Geneva, Switzerland, iba pang lugar na maraming OFWs.
"Napag-usapan po namin sa last Cabinet meeting na sinang-ayunan ni pangulo at ng DFA secretary natin na magkaroon tayo ng health attaché sa ilang mga bansa na maraming OFW," ani Ubial. —FRJ, GMA News
