Isang babae ang nagpakaladkad sa umaandar na truck ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para lang mabawi ang P500 na estanteng nakumpiska sa clearing operations.

Sa ulat ni Mark Salazar sa "24 Oras" nitong Biyernes, maririnig pa itong sumisigaw na "Hindi ako nagtitinda! Maniwala kayo, sir!."

Sinubukan niyang makiusap kay MMDA spokesperson Celine Pialago, pero isa lang siya sa  mga nagrereklamong hindi na napagbigyan ng ahensya dahil sa mas pinahigpit nilang operasyon.

Nagdabog naman ang isang tindera sa Roxas Boulevard dahil naiwan daw niya ang kanyang cellphone sa isang kariton na nakumpiska ng MMDA.

Sa galit nito, itinapon niya ang perang pinagbentahan sa kalsada basta ibalik lang ang kanyang cellphone.

Hinabol pa ng tindera ang truck, pero wala siyang nabawi. "Yung cellphone ko, sir! 'Yung cellpone lang! Siya dumampot ng pera na 'to," aniya.

Itinanggi naman ng mga enforcer na may kinumpiska silang mahahalagang gamit.

Paliwanag ni Pialago, "Kapag naisampa na natin sa truck, hindi na puwedeng ibaba ang mga bagay na nakumpiska na natin."

Pabalik-balik raw ang MMDA sa lugar pero illegal parking ang tunay nilang target.

Giit ng isang motoristang nakahinto: "Hindi tayo puwedeng tumakbo na may kausap sa telephone di ba? Eh saan ba ako hihinto?"

Ang sabi naman ng isa, "Yung erpat ko kasi nagpa-check-up. Na'stroke po eh. Puno ang slot sa loob kaya nandito lang ako sa labas saglit...Para 'pag tinext ako ng kapatid ko, deretso-pick-up lang diyan sa ospital."

Ayon naman kay Pialago: "'Yung mga pilosopo, puwede silang maging polisopo kung hanggang kailan nila gusto basta titiketan natin sila." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News