Sinasabing ang edukasyon ang pinakamahalagang yaman na maipamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ngunit paano nga ba matutulungan ng mga magulang ang mga anak pagdating sa mababang grado?
Sa "Payong Paslit Po:" ng "Unang Hirit," sinabi ni Leanne Bautista na hindi dapat maging istrikto ang mga magulang pagdating sa grades ng mga anak, at alisin muna nila ang takot ng mga bata sa subjects.
Dagdag ni Leanne, tulungan din ang mga bata na mag-focus at isali sila sa group studies kasama ang iba nilang kalaro. Ilayo rin muna sa kanila ang mga computer at gadgets at kapag nasa paaralan naman, ipaalala na makinig nang mabuti sa teacher.
Para naman kay Yuan "Paopao" Francisco, sinabi nito na makabubuting alamin ng mga magulang kung saan nahihirapan ang mga bata, at turuan ang mga ito sa mga subject na nahihirapan sila.
Hayaan din daw ang mga bata na magpaliwanag dahil posibleng nabu-bully sila sa eskuwela, ayon kay Paopao. Mag-bonding din kasama ang mga anak at tanungin ang mga needs nila sa eskuwelahan.
Sinabi naman ni Angelica Ulip na samahan ng pagmamahal ang pagpapaliwanag sa mga bata ang kahalagahan ng edukasyon, kung gaano ito kahalaga sa kanilang kinabukasan. Dapat ding matuto ang mga bata ng disiplina na huwag munang mag-gadgets, TV o maglaro habang hindi pa tapos ang assignment.
Dagdag ni Angelica, ipaliwanag sa mga bata na suwerte silang nakapag-aaral sila sa eskuwela dahil hindi lahat ng bata ay nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral.--FRJ, GMA News
