May malakihang taas-presyo na naman sa mga produktong petrolyo na ipatutupad sa Martes, Abril 26, 2022.

Sa magkahiwalay na anunsyo nitong Lunes, inihayag ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc., na P3 per liter ang ipapatong nila sa presyo ng kanilang gasolina.

Samantalang P4.10 naman ang dagdag sa presyo ng kanilang diesel pero liter, at P3.50 sa kerosene.

Inihayag naman ng Cleanfuel na kaparehong halaga rin ang ipapatong sa presyo ng gasoline at diesel maliban sa kerosene na wala sila.

Wala pang anunsyo na inilalabas ang ibang kompanya.

Sa nakalipas na 16 na linggo sa taong ito ng 2022, 13 ulit nang tumaas ang presyo ang mga produktong petrolyo. Ang labanan ng Russia at Ukraine at itinuturo ng Department of Energy (DOE) na isa sa mga dahilan nito.

Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang nitong Abril 19, 2022, umabot na sa P15.45 per liter ang net increase sa gasoline, P27.35 per liter sa diesel, at P21.55 per liter sa kerosene.— FRJ, GMA News