Arestado sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa La Union ang isang bugaw na inihahatid umano sa bahay o hotel ang mga babae na isinasabak nito sa prostitusyon at napipili ng mga kliyente.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na Emmanuel Hate Diongon, na inaresto sa loob ng isang hotel sa Bauang, La Union kasama ang mga nasagip na babae.

Nabawi rin sa suspek ang P10,000 na ginamit na pambayad ng operatiba sa suspek sa isinagawang operasyon.

Ayon sa NBI, pinipili sa social media ang mga ibinubugaw na babae at ihahatid ng suspek sa bahay o hotel ng mga kliyente.

"Pinagpipilian sila [babae] sa halagang P1,500 to P2,000. Tropa nga ng subject itong mga kababaihan na ito," ayon kay Attorney Giselle Dumlao, tagapagsalita ng NBI.

"Nakakalungkot na pinagsasamantalahan yung mga vulnerabilities ng ating mga victim. Kaakibat kasi nito yung peligro na dala lalo na patuloy pa rin ang COVID-19 at may bagong variant at possibility na mabuntis ang babae,"  dagdag niya.

Sinisikap pang makuhaang panig ng suspek  habang nasa kostudiya ng Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na babae, ayon sa ulat. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News