Dinakip ang isang 22-anyos na construction worker na kabilang sa Top 10 Most Wanted ng Anonas Police Station matapos niyang molestiyahin umano ang 12-anyos na lalaking kapitbahay sa Barangay Pansol, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing may warrant of arrest ang lalaki dahil sa child abuse, kung saan naganap ang pangmomolestiya umano Agosto ng nakaraang taon.

Ayon sa pulisya, isinalaysay ng biktima na ipinasok siya ng suspek sa isang kwarto kung saan doon siya ginawan ng kahalayan umano.

Nakapagreklamo ang mga magulang at sinampahan ng kaso ang suspek.

Bukod dito, dati na ring nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa droga ang suspek.

"Hindi ko po ginawa 'yun. Magkakadikit lang po kami ng bahay, lumalabas lang po ako ng bahay, nagtatrabaho po ako," sabi ng suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News