Pinagmulta ng Philippine Basketball Association (PBA) ng P10,000 si Magnolia Hotshots assistant coach Johnny Abarrientos dahil sa pagsenyas niya ng middle finger sa Converge import na si Jamaal Franklin sa laban nila noong Linggo.

Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial sa GMA Integrated News nitong Lunes na nakausap na nila si Abarrientos tungkol sa nangyaring insidente.

Nagsisisi naman umano si Abarrientos sa nangyari.

"Magkausap kami kanina and very apologetic naman siya, may remorse," ani Marcial. "Pero may fine 'yon na P10,000.00."

"Sabi ko 'wag na lang niya ulitin 'yung dirty finger," ani Marcial.

Nakita si Abarrientos sa ginawang masamang pagsenyas sa 1:05 ng fourth quarter at bumomba ng three-pointer si Franklin para bigyan ng bentahe ang FiberXers sa iskor na 111-105.

Tuluyang nanaig ang Converge sa iskor na 111-109, at iselyo ang ikatlong sunod na panalo, at manguna sa team standings.—FRJ, GMA Integrated News