Nagsisilbing "intern" sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez ang bunsong anak ng kaniyang pinsan na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na si William Vincent "Vinny" Marcos.

Sa inalabas na pahayag ng Office of the Speaker, sinabing nagsimula ang internship ng nakababatang Marcos noong nakaraang linggo.

"Vinny will undergo training in the legislative processes," ayon sa pahayag.

"He will be mentored on the daily grind at the House of Representatives, including the role and interaction of various committees and departments on the legislative processes, as well as strategies to help expedite the passage of vital bills and other measures for the benefit of the Filipino people," dagdag nito.

Sinabi rin sa pahayag na pangangasiwaan at susubaybayan ni Speaker Romualdez, kaniyang tiyuhin, ang pagsasanay o training ni Vinny, gaya nang ginawa noon ng kapatid nito na si Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, noong 18th Congress.

Kongresista na ngayon ng First District ng Ilocos Norte si Sandro, at House Senior Deputy Majority Leader, matapos manalo nitong nakaraang May 2022 elections.

Bago lumabas ang pahayag mula sa tanggapan ng Speaker, nakita si Vinny na nakikipagpulong sa House Minority bloc na pinamumunuan ni House Minority Leader Marcelino "Nonoy" Libanan.

Nakiusap umano ang Speaker na ipaliwanag kay Vinny ang tungkulin ng House minority bloc sa proseso ng paggawa ng mga panukalang batas sa Kamara de Representantes.

"We must stress that even if the majority and minority blocs have differing views, we in the House can all agree to disagree without being disagreeable," anang kongresista.—FRJ, GMA Integrated