Patay matapos pagsasaksakin ng isang babae ang kaniyang kinakasamang lalaki sa Legazpi City, Albay.

Sa ulat ng GMA Regional TV News itong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na parehong galing sa inuman ang 56-anyos na biktimang lalaki, at ang 39-anyos na babaeng suspek.

Pag-uwi sa bahay, nagtalo ang dalawa dahil sa pagseselos umano ng lalaki nang mabasa ang mga mensahe sa social media account ng babae.

Nagbanta umano ang lalaki sa babae sa sandaling mapatunayan nito ang hinala.

Pero habang natutulog sa duyan sa labas ng bahay ang biktima, pinagsasaksak siya ng babae.

Nadakip ng mga awtoridad ang babae at nabawi ang patalim na ginamit sa krimen.

Mahaharap ang suspek sa kasong murder. --FRJ, GMA Integrated News