Pinatay sa sakal at nakataas ang damit ng 24-anyos na biktimang babae nang matagpuan sa loob ng bahay ng kaniyang tiyahin sa Mandaluyong City. Ang suspek sa krimen, ang dating kinakasama ng tiyahin ng biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City noong June 1.

Ayon kay Mandaluyong police chief Police Colonel Grace Madayag, lumuwas lang ng Metro Manila ang biktima para makapag-report sa trabaho kaya nakitira ito sa bahay ng kaniyang tiyahin.

Pero nagsumbong umano ang biktima sa kaniyang tiyahin na tila may pagnanasa sa kaniya ang kinakasama nito na tricycle driver.

"Nagsumbong siya sa kanyang tiyahin, so du'n nagdesisyon ang tiyahin na maghiwalay sana sila," ayon kay Madayag. "Eh 'yung gabing 'yun, galit na galit (ang suspek), lasing na bumalik sa kanilang tinitirhan."

Mag-isa lang umano sa bahay ang biktima nang bumalik ang suspek. Nakita na may nakabalot na kumot sa kaniyang mukha at leeg.

Bagaman nakitang nakataas ang damit ng biktima nang tadnan ang kaniyang bangkay, hindi naman nagahasa ang babae.

Matapos ang krimen, nagtago sa Maynila ang suspek pero nahuli rin kinalaunan sa tulong ng testigo. Wala pa siyang ibinibigay na pahayag.--FRJ, GMA Integrated News