Arestado ang dalawang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ikalawang palapag ng isang bahay sa Caloocan.

Nakatransaksyon ng pulis na nagpanggap na buyer ang 37-anyos na umanong tulak ng shabu at 54-anyos na kasabwat.

Ayon sa pulisya, nagsagawa siya ng test buy laban sa mga suspek.

“Nakakatanggap po tayo ng sumbong doon sa barangay na marami nga lumalabas pasok dito yung iba hindi nila kilala so we have to verify yung report na ito and nakakuha tayo ng alpha natin yung impormante natin upang makabili tayo ng shabu,” ani Police Col. Joey Goforth, ang chief of police ng Caloocan.

Sa kabuuan, nakuha mula sa mga suspek ang 206 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1.4 milyon.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na mga residente ng ilang barangay ang mga parokyano ng mga suspek.

“Lumalabas hindi lang sa Brgy. 66 kundi doon sa kalapit na barangay din nila, kasi just recently nakapag-operate din kami doon sa kalapit na barangay. With this aggressive operation nade-deny namin yung supplies sa ibang barangay and yung mga parokyano nagshi-shift po rito,” dagdag ni Col. Goforth.

Inaalam pa ang pinaka source ng droga na sa inisyal na impormasyon na nakuha ng pulisya ay nanggagaling sa labas ng Caloocan.

Base sa record, dati nang nakulong ang 54-anyos na suspek dahil sa paggamit ng shabu.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — BAP GMA News