Tinukoy ng pulisya ang dalawang persons of interest sa pamamaril sa Amerikanong marine biologist na si Kent Carpenter sa loob ng kaniyang tahanan sa Sibulan, Negros Oriental, ayon sa mga awtoridad nitong Martes.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Super radyo dzBB, sinabing kinokonsiderang person of interest ang live-in partner ni Carpenter at ang kapatid nito, ayon kay Negros Oriental Provincial Police Director Col. Timmar Alam.

Hindi magkakatugma

Sinabi ni Alam, na namumuno sa Special Investigation Task Group (SITG) na binuo para imbestigahan ang kaso, na napansin ng mga imbestigador na hindi magkakatugma ang mga pahayag na ibinigay ng live-in partner ni Carpenter.

Batay sa pulisya, unang inilahad ng babae na seksuwal siyang inabuso noong maganap ang insidente, ngunit hindi suportado ang pahayag ng mga resulta ng vaginal swab examination, na nagpakita ng negatibong resulta.

Idinagdag ng mga awtoridad na hindi umano sinaktan ng mga suspek ang babae noong umatake ang mga ito, na nagtulak sa mga imbestigador na ikonsidera ang posibilidad na maaaring kilala siya ng mga salarin bilang isang lokal na residente.

Samantala, kasama ang kapatid ng babae sa mga persons of interest dahil sa madalas nitong pagbisita sa bahay ni Carpenter, ayon sa pulisya.

Motibo

Sinusuri ng mga imbestigador ang ilang posibleng motibo, kabilang ang pagnanakaw.

Sinusuri rin ng pulisya kung maaaring kabilang din sa pagpatay ni Carpenter ang kaniyang trabaho bilang isang marine biologist.

Kilala si Carpenter sa kaniyang pananaliksik sa mga coral reef at marine biodiversity, at binanggit ng mga awtoridad na nakatulong ang kaniyang gawaing siyentipiko sa kaso ng Pilipinas sa 2016 arbitral decision sa West Philippine Sea.

Binaril si Carpenter matapos umanong pilit na pumasok ang tatlong hindi kilalang lalaki sa kaniyang tirahan sa Barangay Ajong, Sibulan, noong Linggo ng gabi. Nanonood siya ng telebisyon nang barilin siya umano sa ulo ng isa sa mga suspek bago tumakas ang grupo. —Jamil Santos/ VAL GMA News