Arestado ang tatlo sa apat na mga suspek sa pagpatay sa Amerikanong marine biologist na si Kent Carpenter, ayon sa Philippine National Police nitong Huwebes.

"The Regional Director of Police Regional Office NIR (Negros Island Region), Police Brigadier General (Romano) Cardiño, reported to the Chief PNP that they've already arrested three of the four suspects in the killing of the American marine biologists," sabi ni PNP public information chief Police Colonel Allen Rae Co sa isang pulong balitaan.

Sinabi niyang kabilang sa mga inaresto sina alyas “M.O.,” 26-anyos, na siyang gunman umano; alyas “J.F.,” ang seksuwal umanong nang-abuso sa live-in partner ng biktima; at alyas “C.D.,” ang nagsilbing lookout.

Patay sa pamamaril si Carpenter, 73, matapos pilit na pumasok ang tatlong hindi matukoy na lalaki sa kaniyang bahay sa Barangay Ajong, Sibulan, Linggo ng gabi.

Nanonood siya ng telebisyon nang barilin umano siya sa ulo ng isa sa mga suspek bago sila umalis.

Kilala si Carpenter sa kaniyang pananaliksik sa mga coral reef at marine biodiversity, at binanggit ng mga awtoridad na nakatulong ang kaniyang gawaing pang-siyentipiko sa kaso ng Pilipinas sa 2016 arbitral decision sa West Philippine Sea. —VBL GMA News