Isang 16-anyos na lalaki ang nasawi matapos siyang saksakin sa leeg ng kapuwa menor de edad gamit ang cutter habang pauwi sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Blumentritt Road dakong 9 p.m. nitong Martes.
Ayon sa pulisya, lumabas sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima kasama ang mga pinsan nito nang makasalubong ang grupo ng suspek.
Mapanonood sa CCTV footage na biglang nagtakbuhan ang ilang kabataan kasama ang biktima. Kalaunan, sumunod sa kanila ang menor de edad na lalaking may dalang patalim.
Ilang saglit pa, sinaksak na niya ang biktima hanggang sa tumakbo na sila sa magkahiwalay na direksyon.
Sa mga sumunod na kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na naglalakad habang nakahawak sa kaniyang leeg sa bahagi ng Santissima Trinidad Street. Ngunit hindi nagtagal, bumagsak na siya sa kalsada.
Sinabi ng pulisya na sinubukan pang dalhin sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot nang buhay.
Nadakip sa follow-up operation ng mga awtoridad ang nanaksak na menor de edad. Nakuha sa kaniya ang isang cutter na hinihinalang ginamit sa krimen.
“May anggulo na tinitingnan na itong biktima, 'yung ex niya, parang nililigawan na itong suspek,” ayon kay Police Major Dave Garcia, chief ng MPD Homicide Section.
Nagkataon ding naroon umano ang babae nang maganap ang pananaksak.
Sinabi ng ina ng biktima na nag-post pa sa social media ang menor de edad na nanaksak matapos gawin ang krimen.
“‘Inabot ka.’ ‘Yun ang sabi niya sa My Day niya. Proud pa ‘di ba? Ang yabang niya eh. Buhay ng anak ko ang kinuha niya dahil lang du’n, napakaliit na dahilan. Habang buhay kami magdurusa. Wala 'yung anak ko. Pero siya, ano mangyayari sa kaniya?” sabi ng ina ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Sampaloc Police Station ang menor de edad na nakatakdang ilipat sa Manila DSWD para sumailalim sa act of discernment. – Jamil Santos/FRJ GMA News
