Patay ang isang 36-anyos na lalaki sa Mabalacat, Pampanga matapos pagtulungang bugbugin ng tatlong lalaki. Ang insidente, na-huli cam.
Sa kuha ng CCTV pasado alas-dose ng madaling araw nitong Hulyo 13, makikita ang komprontasyon ng dalawang lalaki.
Tila magsusuntukan na ang lalaking nakapulang T-shirt na siyang biktima, at ang lalaking naka-grey na T-shirt na may bitbit na pamalo.
Dumating ang isang lalaking nakaitim na hoodie at isa pang lalaking naka-long sleeves, may suot na sombrero, at may dalang bakal na tubo.
Ilang saglit pa, pinagpapalo ng lalaking naka-grey na T-shirt ang lalaking nakapulang T-shirt, na sinuntok naman ng lalaking naka-hoodie.
Pumalo rin ang lalaking may dalang tubo saka umalis.
Nagtamo ang biktima ng bukol, pasa, at sugat sa kanyang ulo.
Ayon sa pulisya, nagka-severe traumatic brain injury ang biktima at na-coma.
Binawian siya ng buhay noong gabi ring iyon.
Ayon sa Mabalacat City Police, isa sa tatlong suspek ang nagtangka umanong nakawin ang motorsiklo ng biktima.
“Based po sa statement ng witness, parang ang sinabi na kinuha 'yung motor. Pero ang sagot naman po ng suspek ay itinabi lang niya. Kinompronta niya 'yung mga suspek," sabi ni Police Corporal Romeo Esteban Jr., investigator ng Mabalacat City Police.
Dalawa raw sa mga suspek na nanuntok at namalo gamit ang bakal na tubo ay magtiyuhin na tumulong daw sa kasama nilang lalaki na itinuturong nagnakaw ng motorsiklo.
“Nu'ng nakita na nagkakaganu'n, pinagtulunungan na siya nu'ng tatlo," kuwento ni Esteban.
“Galing na din po kanila ('yung tubo), ma’am, kasi du'n lang din mismo 'yung bahay nila, ma’am,” dagdag niya.
Kuwento ng asawa ng biktima, nakipag-birthday lang sila nang mangyari ang insidente.
“Matagal 'yung pagtatalo nila hanggang sa dumating 'yung mag-tito. Hinampas po siya nu'ng isa. Sumunod po, may umikot, sinuntok. Nalaglag po 'yung cell phone niya, kinuha. Tapos pasimple pong may dumating ulit, pinukpok po siya ng tubo patalikod hanggang sa parang wala lang, umalis din agad,” kuwento ng asawa ng biktima.
Ayon pa sa asawa, matapos itakbo sa ospital ang biktima, napag-alamang ang motor ng kanyang mister ay nasa harapan ng bahay ng suspek.
“Nakita ko po 'yung motor namin sa harapan ng bahay nu'ng kumuha po. Siya po 'yung unang pumalo,” sabi niya.
Kinilala ang biktima na si Wilhelm Helmut Woelfle na natagpuan na lang daw na duguang nakahiga at walang malay sa isang jeep.
Ang biktima, nag-birthday pa raw nitong July 15 nang nakaburol na.
Ina ng nasawing biktima:
“Masakit po. Hindi ko po matanggap kasi kahit kelan 'di ko na makikita siya. Paano kami mag-ce-celebrate, kung nandiyan na siya. Habangbuhay ko pong aanuhin kasi magka-birthday sila ng tatay niya eh… Sumuko na sila, pagbayaran nila 'yung ginawa nila sa aking anak," saad ng ina ng biktima nang makapanayam ng GMA News sa burol sa Sta. Rosa, Laguna.
Tukoy na ang mga suspek, ayon sa pulisya.
Wala na sa kanilang bahay ang mga suspek nang puntahan ng mga tauhan ng Mabalacat City Police.
Patuloy ang manhunt operation sa mga nagtatagong suspek na nahaharap sa reklamong homicide. —KG GMA News
