Isang 13-anyos na lalaking estudyante ang namatay matapos umanong saksakin ng kaniyang kaklase sa loob ng Las Piñas National High School bandang alas-4 ng hapon nitong Biyernes, Hulyo 31.
Ang umano'y dahilan ng pananaksak ng 14-anyos na child in conflict with the law (CICL) ay ang naiwan niyang sukli sa biktima na inutusan niyang bumili ng tubig sa canteen, ayon sa ulat ni Jomer Apresto sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado.
"Hindi naniwala 'yung CICL na 'yung sukli ay naiwan doon sa school canteen... Bumunot ng fan knife ang CICL at saka sinaksak ang biktima," sabi ni Las Piñas City Police Station chief P/Col. Fermin Armendarez III.
Sa ulat, makikita sa kuha ng isang CCTV ang paghingi ng saklolo ng isang estudyante sa isang barangay post malapit sa paaralan. Pumasok din ang isang tricycle sa loob ng barangay post upang isugod sa ospital ang biktima.
"May humingi po ng tulong. Nakita ko 'yung bata, nakahiga na lang at ang dami talagang dugo," ani Barangay Daniel Fajardo Kagawad Melvin Cristobal.
Ayon sa pulisya, binawian ng buhay ang biktima dahil sa tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib.
Agad namang nahuli ng mga awtoridad ang 14-anyos na suspek, na inilipat na sa pangangasiwa ng Bahay Pag-asa. Nakatakda siyang sumailalim sa pagsusuri upang matukoy kung mayroon siyang discernment, o lubos na pag-unawa sa kaniyang ginawa.
Patuloy ding iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may mas malalim pang dahilan ang pananaksak at kung paano naipasok sa loob ng paaralan ang ginamit na balisong.
"Meron silang guwardiya, mayroon naman silang metal detector. So 'yun ang patuloy nating ini-inquire kung paano nailusot 'yung bladed weapon para magkaroon tayo ng appropriate recommendation for the school," sabi ni Armendarez.
Sa isang pahayag, sinabi ng Las Piñas National High School na agad itong nakipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng insidente. Nakiusap din ang paaralan sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng sensitibo at hindi beripikadong impormasyon, larawan, o bidyo.
Dagdag pa nito, nakahanda silang magbigay ng tulong pang-sikolohikal at emosyonal sa mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan. Nanawagan din ito sa mga magulang at komunidad na mahigpit na makipagtulungan sa pagdidisiplina upang hindi na maulit ang insidente.
Panawagan sa hustisya
Masiyahin mahilig mag-rap at masunuring bata—ganito inilarawan ni Aizel Ontong ang nasawi niyang kapatid na si Aaron Miguel.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "24 Oras Weekend," isinalaysay ni Ontong ang mga pangyayari bago ang pananaksak sa kaniyang kapatid.
"Inutusan daw pong bumili ng tubig. Tapos 'yung sukli daw po na P10 ay naiwan sa canteen. Nung babalikan na po ng kapatid ko, hindi raw naniniwala 'yung sumaksak," kuwento ni Ontong.
"Tapos naglabas po daw ng patalim. Ang sabi daw po ng kapatid ko, 'Baka saksakin mo ako niyan,' tapos bigla na lang daw po siyang sinaksak," aniya.
Dagdag pa niya, nakapaglakad pa umano ang kaniyang kapatid matapos masaksak at nadala pa sa school clinic.
"Dinala po nila sa school clinic, pero wala raw pong nurse. Tapos napatagal pa po kasi wala rin daw pong sasakyan," sabi ni Ontong.
Pangwalo si Miguel sa siyam na magkakapatid at ulila na rin sa ina.
"Sabi ko, sampung piso? Kayang-kaya ko namang doblehin 'yon. Sana hindi niya na lang sinaksak 'yung kapatid ko. Hustisya po para sa kapatid ko," sabi ni Ontong.
"Sana po tulungan ninyo kami na mapanagot 'yung may kasalanan. Kung puwede nga lang po buhay ang kapalit, 'yun na lang po sana, kasi sobrang sakit, sobrang sakit para sa amin," sabi pa niya.
Sa kasalukuyan, nakaburol ang mga labi ng biktima sa Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City. Ayon kay Ontong, sumailalim na sa autopsy ang kaniyang kapatid at hinihintay na lamang ang resulta nito.
Desidido ang pamilya ni Miguel na magsampa ng reklamo laban sa CICL.
"Gusto po naming malaman 'yung buong detalye galing sa kanila, kung ano po ba talaga ang nangyari. Kung napatagal ba ang pagdala nila sa kapatid ko?" tanong ni Ontong.
"Kasi bakit tumagal? Bakit walang nurse? Kasi kung may nurse, dapat po may first aid, di ba po? Kung nabigyan siya ng first aid, siguro masasagip pa. Gusto po namin ng kasagutan," dagdag niya.
Ayon kay Ontong, wala pa umanong nakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya mula sa paaralan kung saan naganap ang krimen.— Lyjah Tiffany Bonzo GMA News
