Sapul sa CCTV ang panloloob at pagnanakaw ng isang lalaki sa isang bahay sa Barangay NBBS Kaunlaran, Navotas. Ang kaniyang tinangay, ang P25,000 na pera na ipambabayad sana ng tuition sa kolehiyo.

Sa ulat ni Gabriel Gonzalez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang CCTV footage ng pagpasok ng lalaki na nakasuot ng face mask sa bahay pasado 12 a.m. ng Miyerkoles.

Sinilip muna ng kawatan kung may ibang tao, bago siya marahang umakyat sa ikalawang palapag. Ilang saglit pa, makikita ang lalaki na may tangay nang bag at saka umalis.

Naglalaman ang bag ng cellphone at P25,000 na pang-matrikula sana ng biktimang incoming 3rd year college student.

“Dapat po talaga mag-e-enroll kami ngayon. Pang-tuition niya tsaka ‘yung isang backup phone. Buti nga po ‘yung iba nai-transfer na through bank,” sabi ng inang may-ari ng bahay.

Sinabi pa ng ina ng biktima na tiyempong nasa kuwarto siya nang pumasok ang lalaki sa kanilang bahay.

Hindi rin siya naalerto dahil hindi tumahol ang kanilang alagang aso.

“Iyon lang din po ang ipinagtataka namin. Kasi kahit po kami, ‘pag biglang pasok po kami, talaga pong tumatahol sila eh. Kaya kahit din kami nagugulat kami na, wala kayong (mga aso) ginawa, ito pong dalawa,” sabi pa ng may-ari ng bahay.

Samantala, lumabas ang anak ng ina bandang pasado ng hatinggabi para puntahan ang isang tindahan sa unahan.

Isinara niya ang gate pero hindi nakakandado. Nang makita na nakabukas na ang kanilang gate, sinabihan na niya ang kapatid na tingnan ang CCTV kung may pumasok sa kanilang bahay.

“Ang pinapasalamat ko lang po, wala po talagang nangyari sa akin,” sabi ng may-ari ng bag.

Paniwala ng barangay, matagal nang minamanmanan ng lalaki ang galaw ng pamilya.

“In-analyze ko po, parang minanmanan po talaga eh. Akala mo nga taga-roon siya eh. Dire-diretso lang ho siya. Wala siyang takot. ‘Yung buong sala inikot niya hanggang sa umakyat siya sa second floor,” sabi ni Wilfredo Rivera, desk officer ng Barangay NBBS Kaunlaran.

Mayroon umanong mga natatanggap na tip ang barangay tungkol sa salarin at kasalukuyan nila itong biniberipika.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang insidente.

Nananawagan ang mga awtoridad sa may mga impormasyon tungkol sa salarin na ipagbigay-alam ito sa kanila.

Desidido namang magsampa ng reklamo ang mga biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News