Nasawi ang isang 30-anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng kanilang kapitbahay na barangay tanod sa Malasiqui, Pangasinan. Ang nakababatang kapatid ng biktima na 27-anyos, sugatan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa labas ng bahay ng mga biktima sa Barangay Polong.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang pamamaril, nagkaroon muna ng pagtatalo ang 45-anyos na suspek at ang sugatang biktima.

Sandaling umalis ang suspek at nang bumalik, armado na ito ng baril at pinagbabaril ang magkapatid.

Nasawi ang isa sa mga biktima, habang isinugod sa ospital ang isa pa.

Napag-alaman na lumabas lang ng bahay ang nasawing biktima para sa bumili at kinakausap niya ang kaniyang kapatid nang pagbabarilin sila ng suspek.

Hinahanap ng mga awtoridad ang suspek na tumakas matapos na gawin ang krimen.

Nananawagan naman ng hustisya ang pamilya ng mga biktima.—FRJ GMA News