Sapul sa CCTV camera ang pagtangay ng isang delivery rider sa tip box ng isang fruit shake store na naglalaman ng nasa P2,000 sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang paghihintay ng delivery rider sa order ng kaniyang customer sa naturang tindahan bandang 11 p.m. nitong Lunes.
Mapapansing palinga-linga ang lalaki na tila nagmamasid. Ilang saglit pa, pasimple na niyang kinuha ang plastic na tip box at ikinubli sa green niyang helmet.
Sumaglit ang rider sa motorsiklo ng kasabwat niya umano at pasimpleng itinago ang tip box sa insulated bag nito.
“Palinga-linga siya tapos napansin niya po ata na napatingin siya sa may CCTV namin. Parang nagulat siya na may CCTV pala kami. Tapos 'yung helmet niya napansin ko, binaba niya. Gusto niyang takpan ‘yung mukha niya,” sabi ni Clark Emmanuel Alvaniz III, may-ari ng fruitshake store.
Bago siya umalis, nanghingi pa ang suspek ng tirang fruit shake sa staff ng tindahan.
Hanggang sa nalaman na lamang ng staff ng tindahan na nawawala na ang tip box bandang 2 a.m. nitong Martes.
“Ang last customer ko po, nag-ano po siya sabi niya, ‘Beh, wala kayong tip box, beh?’ Pagtingin ko wala na po 'yung tip box,” sabi ni Cassy Sumundong, staff ng tindahan.
Nagpa-blotter sa barangay ang may-ari ng tindahan, at sisilipin ang mga CCTV camera sa lugar.
Pansamantalang pinalitan ng plastic na container ang lagayan ng tip at naka-Zip Tize na ito.
“Umorder na po ako ng tip box na may kadena, tapos po, in-orient ko na lang po ulit 'yung mga staff ko na ganito, huwag nilalagyan ng cellphone basta-basta dito,” sabi ni Alvaniz.
Nananawagan ang barangay sa mga may impormasyon sa kinaroroonan ng suspek na ipagbigay-alam ito sa kanila. – Jamil Santos/FRJ GMA News
