Patuloy na mataas ang konsentrasyon ng particulate matter (PM) 2.5 ang ilang lugar sa Metro Manila, ngayong Martes, Setyembre 1, na nakapagtala ng masamang kalidad ng hangin na “very unhealthy,” at “acutely unhealthy.”
READ: As haze spreads, how severe are Indonesia's wildfires?
Sa isinagawang monitoring ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) hanggang nitong 10:00 am, naitala ang “acutely unhealthy” na kalidad ng hangin sa 11 istasyon sa National Capital Region:
- Las Piñas
- Malabon City
- Mandaluyong
- Manila
- Marikina (Parang)
- Muntinlupa (Filinvest City)
- Parañaque (Don Bosco)
- Quezon City (Ateneo)
- San Juan City
- Taguig (TUP)
- Valenzuela
Samantala, naitala naman ang “very unhealthy" na kalidad ng hangin sa Makati, Navotas, Pateros, at Quezon City (SMPH Commonwealth).
"The elevated PM2.5 may be associated with smoke and haze from ongoing fires in Kalimantan, Indonesia, transported by prevailing winds toward the Philippines," ayon sa DENR-EMB sa inilabas na pahayag.
Idinagdag ng DENR-EMB na patuloy din nitong mino-monitor ang kalidad ng hangin sa Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na limitahan ang matagal na pananatili o pag-e-ehersisyo sa labas, lalo na ang mga taong sensitibo sa polusyon sa hangin.
Hinimok din ng mga lokal na pamahalaan ang mga residente na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay. —FRJ GMA News

