Arestado ang isang ginang dahil sa pagbebenta umano ng mga malalaswang litrato ng kaniyang mga anak sa Taguig.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagsisilbi ng digital warrant ng mga tauhan ng NBI Violence Against Women and Children Division (VAWCD) sa bahay ng suspek, saka binuksan ang kaniyang cellphone.

Doon nabuko na sinasama ng ginang sa online kalaswaan pati ang apat na taong gulang niyang anak.

Nasa kaniya ring cellphone ang ilan pang malalaswang litrato ng mga bata.

“We have information na itong taong ito, pati mga litrato at video ng kaniyang anak ay binibenta sa online para gamiting materials para sa mga pedophiles. Kaya ito nakatakot dahil mismo magulang siya, sa sariling mga anak ay kaniyang ibinibenta,” sabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag.

Ipinakita rin sa asawa ng suspek ang mga malalaswang litrato na ibinibenta online.

Sinabi ng NBI na naging maingat ang suspek sa ginagawa niyang online kalaswaan mula pa noong 2017.

Pero nitong 2026, nagkaroon ng breakthrough ang mga awtoridad matapos magbigay ng impormasyon ang mga bansang Germany, UK, Canada, Sweden at Amerika na naghahanap din pala sa suspek.

“Nagbigay sila ng additional technical information referring to the same subject. Binuo lahat ng information na nag-gather so na-identify ngayon ang subject natin. Hindi lang ang kaniyang mismong identity, ngunit pati na rin ang kaniyang location,” sabi ni Atty. Cath Nolasco, hepe ng NBI VAWCD.

Hindi pa nagbibigay ng panig ang suspek, na nahaharap sa patong-patong na reklamo na walang piyansa. Sinagip ang mga anak ng suspek. — Jamil Santos/VBL GMA News