Nakaranas ng matinding trauma ang magkapatid na binatilyong mga 15-anyos matapos silang tutukan ng baril at saktan umano ng guwardiya ng isang mall sa Maynila. Pero giit ng pulisya, napanood sa CCTV na tinangka ng mga binatilyo na nakawan ang isang tindahan doon.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, isinalaysay ng nanay ng mga bata na Hulyo 29 nang magpaalam ang dalawa na magsisimba kasama ang isang kaibigan, ngunit hindi na nakauwi noon ang mga bata.
Gabi na ng Agosto 2 nang matuklasan niyang dinala pala ang kaniyang mga anak sa Manila Reception and Action Center.
“May nakalagay po sa papel na nag-shoplift daw po sila, nag-theft daw po sila. Ngayon iyon ‘yung hindi ko matanggap bilang nanay. Kasi po kilala ko ‘yung mga anak ko. Kasi taong simbahan lang sila tapos school, bahay,” sabi ng ina ng mga binatilyo.
Batay sa kuwento ng kaniyang mga anak, dumiretso sila sa CR ng mall, ngunit nagulat sila paglabas dahil nagsara na pala ito.
Nag-ikot sila at naghanap ng puwedeng labasan, pero nakita sila ng guwardiya at doon na sila tinutukan ng baril, pinadapa at pinosasan.
“Meron pa pong sugat ‘yung anak ko sa kamay dahil sa posas. Tapos recently ko na lang po nalaman na sinampal sila. Pero ‘yung pagtutok ng baril, iyon po ‘yung hindi katanggap-tanggap. Alam ko naman pong ginagawa nila ‘yung trabaho nila bilang guard. Pero sobra naman po yata,” anang ina ng mga binatilyo.
Ngunit batay sa imbestigasyon ng Smokey Mountain PCP, nagtago sa mga bakanteng lote ang mga binatilyo saka hinintay na magsara ang mall.
Napanood din umano sila sa CCTV gabi ng Hulyo 30 kasama ang isa pang binatilyo na may takip ang mukha at sinusubukang buksan ang isang saradong boutique. Nakapasok silang tatlo bago nagmamadaling lumabas.
Makaraan ang kalahating oras, doon na sila nakita ng guwardiya ng mall.
Minabuti ng management na hindi na maghain ng reklamo dahil walang gamit na nawala sa mall.
Iniimbestigahan ng pulisya kung totoo ang alegasyon ng mga bata na sinaktan sila ng mga guwardiya.
“Dapat from there and then, kinabukasan nagpamedical ang mga bata kung sinaktan man, at dapat nagsampa agad sila ng kaukulang reklamo laban sa mga guwardiya na gumawa sa kanila ng kalapastanganan. Para mabigyan ng hustisya ang ginawa sa kanila,” sabi ni Police Captain Ryan Jay Balagtas, chief ng Smokey Mountain PCP ng Manila Police District Station 1.
“Eight to 12 years ang prescription of crime, so within 8 to 12 years puwede pa silang maghain ng reklamo o magdemanda kung talagang ginawa sa kanila ang bagay na iyon,” dagdag ni Balagtas.
Sinusubukan pa ng GMA News na makipag-ugnayan sa management ng mall.
Sinabi ng Manila Department of Social Welfare na nakahanda silang magbigay ng intervention upang matulungan ang mga bata. — Jamil Santos/VBL GMA News
