Literal na sa presinto ang bagsak ng isang rider na nakatulog habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo sa Quezon City. Ang rider kasi, bumangga sa glass door ng isang police station at pumasok hanggang sa loob.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, ipinakita ang video footage na mabilis ang takbo ng motorsiklo hanggang sa bigla itong sumalpok sa glass door ng Batasan Police Station.

Nakapasok ang motorsiklo hanggang sa puwesto ng front desk officer, kaya napatakbo ang nakatalagang pulis sa loob.

Ligtas naman ang rider na nagtamo ng mga sugat sa mukha at noo. Isinailalim siya sa drug at alcohol tests.

Pero paliwanag ng rider galing siya sa trabaho bago mangyari ang insidente. Nakatulog umano habang bumibiyahe at nagising na lang na nasa loob na ng presinto.

Sinabi umano ng rider na handa niyang bayaran ang kaniyang mga napinsala. – FRJ GMA News