Isang vlogger ang inireklamo ng pagmamalupit sa hayop kasunod ng kaniyang pag-livestream tungkol sa pagbabanta niyang pahirapan muna bago patayin ang mga aso na sumira umano sa mamahalin niyang tsinelas.
Sa ulat ng "What We Know So Far" nitong Martes, sinabing taga-Batangas ang naturang vlogger at ipinasilip ang video sa paghuli sa isang aso na nais umanong ipapatay dahil sa ginawang pagsira sa kaniyang mamahaling tsinelas.
Nakarating sa kaalaman ng animal rights group na Animal Kingdom Foundation ang insidente at kaagad itong umaksyon para sagipin ang mga aso at papanagutin ang vlogger.
Nailigtas ang mga aso, ipinatawag sa barangay ang vlogger, at sinampahan ng reklamo ang vlogger dahil sa paglabag sa Animal Welfare Act.
Sinusubukan pang makuhanan ng panig ang vlogger, ayon sa ulat.
Sa isang post sa Facebook ng AKF, sinabi nito na nagkaroon din ng kasunduan sa barangay na isusuko ang mga aso sa kanila upang mailipat kaagad sa rescue center. – FRJ GMA News
