Isang estudyante ang nasawi, habang apat pa ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato ngayong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Governor Reynaldo Tamayo, nasawi ang isang estudyante habang ginagamot naman sa ospital ang apat na iba pa.

Dahil sa insidente, sinabi ng Banga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na kaagad sinuspinde ang klase sa lahat ng paaralan sa Banga.

Sa ulat ng Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang namaril dakong 1:00 pm., at isang estudyante ang namaril.

Inihayag umano ni Joseph Franco, pinuno ng Banga MDRRMO, na batay sa paunang impormasyon, anim na estudyante ang tinamaan ng bala ng baril, kabilang ang estudyanteng namaril.

Samantala, labis umanong nabahala ang Department of Education (DepEd) sa nangyaring pamamaril sa Banga National High School.

“Our immediate priority is the safety and well-being of our learners, teachers, and school personnel,” saad ng DepEd sa inilabas na pahayag.

“We are closely coordinating with the Schools Division Office, Regional Office, local authorities, and law enforcement to verify the circumstances and provide necessary assistance,” dagdag nito.

Nakahanda umano ang DepEd na magkaloob ng psychological first aid at mental health and psychosocial support sa mga apektado ng insidente.

Nanawagan din ang kagawaran sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon. – FRJ GMA News