Inilahad ni Mayor Albert Deocades Palencia ng Banga, South Cotabato na winasak ng estudyanteng namaril ang vault na pinagtataguan ng baril ng kaniyang ama, kaya nakuha ito at naipasok sa Banga National High School.
Sa panayam sa kaniya sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi ni Palencia na ang baril ay pag-aari ng ama ng estudyante na isang guro at empleyado ng Department of Education Region 12.
“Sa pagkakaalam ko sa papa niya kasi ‘yung papa niya shooter din at saka empleyado ng DepEd Region 12. Kaya ‘yung baril na tinatago sa vault, sinira ng bata ‘yung vault at saka dinala [ng estudyante] ‘yung baril sa eskuwelahan,” sabi ng alkalde.
Ayon sa alkalde, isinasama ng ama sa practice shooting ang anak kaya marunong din itong humawak ng baril.
Nagtuturo rin ang ama at isa pang kapatid ng estudyanteng namaril, sabi pa ng alkalde.
Ayon kay Palencia, .9 mm na may double column na dalawang magazine ang ginamit ng estudyanteng shooter.
Nagbabala bago mamaril?
Batay sa mga nakalap na impormasyon, sinabi ni Palencia na ilang sandali bago ang pamamaril, nagpahiwatig umano ang estudyanteng shooter tungkol sa kaniyang gagawin.
“May isang estudyante na nagsabi sa mga kaibigan niya na ‘After lunch, dapat mag-uwi na kayo. Kasi mayroon akong gagawin after lunch, baka madamay pa kayo.’ ‘Yung classmates niya, nagtawa. Akala niya, niloloko lang sila ng shooter,” sabi ni Palencia.
“Pero nu’ng kanina, after lunch, kaya namaril na 'yung shooter,” pagpapatuloy niya, na sinabing limang minuto lamang ang itinagal mula nang magbabala ang shooter, hanggang sa kaniyang pamamaril.
Ayon kay Palencia, hindi sa loob ng kaniyang classroom namaril ang estudyante, kundi lumabas ito at namaril sa kabilang silid-aralan.
“'Yung hindi sa classmate niya, sa ibang room. Kahit sino lang makita niya roon na estudyante, pinagbabaril niya. Kaya sa labas na siya ng room niya din, sa pintuan, na siya nagbaril ng sarili,” anang alkalde.
“Katabi talaga ng room niya, 'yung pinagbabaril niya na mga bata. Pero 'yung mga edad ng mga bata na binaril, 14, 16 at saka 17, ‘yun ang natamaan. Kasi 'yung namatay, dalawa 'yung 14 at saka 'yung namaril na 16,” dagdag ng alkalde.
Umalis umano ang kanilang adviser kaya walang bantay sa classroom nang maganap ang insidente.
“Kung sino ang makita niya na estudyante 'yun ang binabaril niya. Magaling 'yun magbaril kasi shooter,” sabi ni Palencia.
BABALA: Sensitibong Balita
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 18, 2026
3, kumpirmadong nasawi kabilang ang namaril, 8 sugatan, sa insidente ng pamamaril sa Banga National High School. | via Mayor Albert Deocades Palencia, Banga, South Cotabato pic.twitter.com/RlcjCj81R4
May problema ang estudyante
Sabi pa ng alkalde, batay sa school adviser, sinabi umano ng ina ng shooter na may plano itong isailalim sa psychiatric examination dahil mayroon silang napapansin sa pag-uugali.
Natuklasan din ng pulisya na miyembro ang shooter sa isang online group na patungkol sa karahasan.
“Napag-alaman din ng pulis natin kanina na 'yung bata, miyembro pala ng… (pangalan ng online group). ‘Yung namamamaril sa mga eskuwelahan doon, parang ginayagaya 'yung nangyari sa ibang eskuwelahan. Parang ganu’n nangyari sa bata na ‘yon,” patuloy niya.
Sa pagsusuri ng pulisya, nakita na may ilang post ang shooter sa online community.
“Ibig sabihin, doon pala nag-idolize siya doon sa mga bata na namamaril sa mga eskuwelahan. Parang ganu'n 'yung isip ng bata,” sabi pa ng alkalde.
Hindi na-bully may mababang grado
Hindi umano nakaranas ng pambu-bully ang estudyanteng namaril, ayon kay Palencia.
Ngunit kamakailan, nakakuha ito ng mababang grado kaya nakaranas umano ng depresyon.
“'Yung report sa akin ng pinsan niya kanina, meron siyang grade kahapon na lumabas na 76. Parang na-depress siguro 'yung bata,” sabi ni Palencia.
Ayon kay Palencia, posibleng alam na ng ibang mag-aaral na may masamang planong gagawin ang shooter.
“Kasi mayroon kaming kapitbahay doon sa bahay ko na nagsabi na 'yung anak niya, namimilit na hindi mag-aral ngayon kasi parang may gagawin 'yung classmate niya. Siguro 'yung ibang barkada niya may alam na may gagawin sa ngayong araw,” patuloy niya.
Batay sa mga ulat, tatlo ang kumpirmadong nasawi sa insidente—kabilang ang namaril na estudyante na nagbaril sa sarili— at hindi bababa sa lima ang sugatan.
– FRJ GMA News

