Inilahad ni Nyoy Volante na siya ang sumulat ng hit song na “Someday,” na inawit ng kaniyang dating nobya at kapwa OPM singer na si Nina.

Sa kaniyang nakaraang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda,” sinabi ni Nyoy na sila pa noon ni Nina nang ibigay niya ang isinulat niyang kanta na “Someday,” na naging hit.

Paliwanag ni Nyoy, may hinahabol na deadline noon si Nina para sa album nito.

“But also, nu’ng panahon na ‘yun, I was actually writing this for myself. Pero ako, nagbubuo pa lang ako ng album. And then, siya, patapos na 'yung album niya. And then, she needed like two more songs. So I wrote one song for her. This one was supposed to be mine. Kaya lang, nagde-deadline na,” kuwento ni Nyoy.

“So, kaysa bumuo pa ako ng isang awitin, sinama ko na lang itong ‘Someday.’ And then, eventually, she made it very famous,” dagdag ni Nyoy.

Grateful naman si Nyoy na naging hit ang naturang kanta, at naging patok pa maging sa ibang bansa. Katunayan, may ilang international company umano ang humihingi ng permiso mula sa kaniya na gamitin ang naturang awitin.

“I'm actually very grateful to this song kasi ito 'yung awitin ko na umabot na ng international. Everyone wants a version. Koreans have been reaching out to me,” patuloy niya.

“Kasi before, hindi pa ito masyadong uso sa atin, 'yung mga permission, permission to do versions. So ngayon, parang everyone's being very formal about it. And then, at ‘yun, sabi nila, baka we can do a version,” sabi pa niya.

Breakup

Matatandaang 2007 nang magkahiwalay sina Nyoy at Nina.

Kinumusta ni Tito Boy si Nyoy tungkol sa ugnayan nito sa kaniyang ex-girlfriend.

“Okay naman. I mean, everyone's moved on. Pareho kaming may asawa na. I don't think there's a reason anymore right now to reach out to each other. Pero ako, I can't really speak for everyone else. Ako, wala akong problem. I'm just here,” saad niya.

“I do what I need to do. I'm very happy with the family and the life that I have right now. So okay na ‘yun. I'm good,” dagdag niya.

Nakatakdang mangharana si Nyoy sa second installment ng 360 LIVE sa Bar 360 ng Newport World Resorts, Pasay City sa darating na Setyembre 19.

Kasama rin ngayon si Nyoy sa Kapuso series na “Born to Shine,” na napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 2:30 p.m. sa GMA Network.

Samantala, may repeat ang “Nina XX” anniversary concert niya ngayong Setyembre. – FRJ GMA News