Hindi ba afford mag-steak dahil may kamahalan? Sa Fusion Alley sa Sampaloc, Maynila, blockbuster ang pila sa isang stall dahil sa abot-kaya nitong steak na P180.
Sa nakaraang episode ng Good News, itinampok ang negosyong street style steak ni Anne De Guzman.
Tinitimplahan ito ng pinagsamang asin, paminta at rosemary herb, na nagbibigay-aroma sa steak. Saka ito isasalang kung medium rare o well done.
Bukod sa gravy, may house specialty rin silang Thai sauce na Nam Jim Jaew.
Bago nito, una muna silang nagtinda ng Thai potato fry ngunit hindi masyadong pumatok.
Ngunit hindi sumuko si Anne sa negosyo.
“Hindi kasi puwede ‘yung tao ang mag-adjust sa negosyo mo eh. Hindi naman pwede, ‘O dahil mahina ‘yung tinda, hindi ko muna kayo pasasahurin,’” sabi niya.
Dito na pumasok sa kaniyang isip na magtinda ng mga pagkaing hindi madalas matikman ng mga Pinoy tulad ng steak.
“Sabi ko, try natin mag-steak. Kahit konting slice pa, ‘yung ma-feel lang nila kung ano ba talaga ‘yung lasa ng steak. Ano ba talaga ‘yung steak?” sabi niya.
Kaya hindi pa man nagbubukas ng 5 p.m., blockbuster na ang pila sa stall nina Anne.
Sa kabila ng puna ng ilang bashers, level-up na ang griller ni Anne. Mayroon ding bagong offer ang kaniyang kainan na Beef belly at Wagyu steak, na niluluto nila sa lava rock.
Sa halagang P180 hanggang P200, puwede pa itong partneran ng latest nilang side dish na truffle pasta. — VBL GMA News
