Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado ang kaniyang pagkadismaya sa desisyon ng gobyerno noong huling bahagi ng dekada 1980 na ihinto ang paggamit ng Bataan Nuclear Power Plant, na itinayo noong administrasyon ng kaniyang ama.
Ito ang inihayag ni Marcos sa kaniyang pagbisita sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute.
“In 1986, we were already in the first two phases. We were already in that. In fact, that pool of trained professionals...they're still around waiting to put their knowledge into practice,” sabi ni Marcos.
“So we never were going to do the last phase that you have. We already managed to do the first and the second, and too bad, they stopped it,” dagdag niya.
Iniutos ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang pagtatayo ng planta noong 1976 bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng enerhiya. Natapos ang pasilidad noong 1984.
Gayunpaman, hindi ito nakalikha ng kuryente nang itigil ang proyekto matapos ang 1986 Chernobyl nuclear disaster.
Sinabi ni Marcos na makaraan ang apat na dekada, “changed completely” na ang sentimyento ng publiko tungkol sa nuclear energy dahil sa paghahangad ng kabahayan ng mas mababang gastos sa kuryente.
“We always worry about… people are worried about safety, and the answer that comes back is that, ‘We don’t care where our power comes from, but bring it more cheaper.’ That’s it. We don’t care where it comes from. So that’s changed completely,” sabi ni Marcos.
Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, sinabi ni Marcos na nagsisikap ang administrasyon na gamitin ang nuclear energy, at binanggit ang mga umiiral na aplikasyon nito sa medisina, agrikultura, water filtration, at plastic upcycling.
“Pushing the envelope further, perhaps it is time for us to revisit nuclear energy production,” aniya, at kumpiyansa siya na “reinforce our energy security and bring down the cost of electricity in our country.”
“Titiyakin nating ito ay ligtas. Titiyakin din nating maipaliwanag nang mabuti sa publiko ang magandang dulot sa atin ng enerhiyang nukleyar,” dagdag niya.
Noong Hulyo 29, sinabi ng Department of Energy na isinasaalang-alang nito ang tatlong lokasyon para sa isang planta ng kuryenteng nukleyar sa hinaharap, kung saan kabilang sa mga napiling lugar ang Bataan. — VBL GMA News
