Isang 22-anyos na lalaki ang nasawi matapos siyang barilin ng riding-in-tandem sa Barangay Tugatog, Malabon. Ang kaniyang 14-anyos na kabarkada, sugatan matapos madamay sa insidente.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dead on the spot ang lalaki matapos siyang barilin ng mga salaring sakay ng kulay orange na motorsiklo sa Mercurio Street bandang 8 p.m.
Sinabi ng isang saksi na nakarinig siya ng magkakasunod na putok ng baril bago nakitang nakabulagta ang biktimang si alyas “Tisoy.”
Isang deformed fired bullet at anim na basyo ng bala ang narekober sa crime scene.
Nadamay sa pamamaril ang menor de edad na kabarkada ng biktima na katabi niya nang mangyari ang insidente. Nagtamo ito ng hindi bababa sa dalawang tama ng bala.
Ayon sa barangay, madalas masangkot sa away ang nasawing biktima.
“Lagi pong may mga kaaway. Mahilig sa riot. Actually, may nagrereklamo po dito na meron siyang sinapak. Then narinig na lang po nga namin na may binaril po doon sa area na ‘yun. Nu’ng nag-responde po, 'yun po siya po 'yung nakita namin doon,” sabi ni Rose Marie Rodriguez, desk officer ng Barangay Tugatog, Malabon.
Sinabi ng lola ng biktima na napag-initan lang ang kaniyang apo.
“Hindi po siya maraming kaaway. Kaya lang sinasalo niya 'yung away ng iba… May kaaway ka, ipagtatanggol ka niya,” sabi ni Liwayway Tuazon Domingo, lola ng biktima.
Naulila ng biktima ang kaniyang asawa at kambal na anak.
Nag-iimbestiga na ang pulisya sa pamamaril, at nagsasagawa na rin ng CCTV backtracking sa lugar upang matukoy ang mga salarin. —Jamil Santos/AOL GMA News
