Nakalusot sa matinding pagsubok si Alexandra “Alex” Eala matapos niyang talunin sa isang mahigpit na laban nitong Huwebes si Tereza Valentova, 6-4, 7-6(7), upang makapasok sa quarterfinals ng Hong Kong Tennis Open.

Mabilis na nakalamang si Eala sa unang set, 3-0, bago nakapuntos si Valentova. Nadagdagan pa ng Pinay tennis star ang kalamangan at naging 4-1, ngunit nakabawi ang Czech player at naitabla ang laro sa 4-all.

Ngunit nanatiling kalmado si Eala at napanalunan ang sumunod na dalawang laro upang makuha ang unang set.

Sa ikalawang set, unang nakalamang si Eala, 2-1, bago umalagwa si Valentova at naungusan ang Pinay tennis star sa nakakakabang iskor na 5-3.

Pero nanatili pa ring kalmado si Eala at sunod-sunod na napanalunan ang tatlong laro. Habang hindi rin nagpasindak si Valentova upang maitulak ang laban sa tiebreak.

Maagang nakontrol ni Eala ang tiebreak matapos mapanalunan ang unang limang puntos, bago nakasagot si Valentova at nakuha ang sumunod na apat na puntos.

Nagkaroon pa ng match point si Eala, ngunit nailigtas ito ng Czech player upang manatiling buhay ang kaniyang pag-asang manalo.

Patuloy na nagpalitan ng puntos ang dalawang manlalaro hanggang sa maging 7-all ang iskor. Gayunman, nakuha ni Eala ang sumunod na dalawang puntos upang tuluyang selyuhan ang kaniyang panalo.

"It was really, really tough," sabi ni Eala matapos ang laban.

"I think Teresa played incredibly, and we were able to bring the match to a really high level. I think that was reflected in the score. So, I'm really happy with that win. I think I escaped by a little bit," patuloy niya.

Sunod na haharapin ni Eala si Antonia Ruzic ng Croatia sa quarterfinals.

– FRJ GMA News