Nagmistulang kapitbahay na ng mga residente sa Miagao, Iloilo ang sangkaterbang paniki na nagkukumpulan sa mga puno na katabi ng mga kabahayan at nagkalat sa munisipalidad, at hindi sa gubat.
Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” mapanonood na tila mga palamuti na ang mga “Kabilaw” o flying foxes na mga nakasabit sa mga puno sa plaza ng bayan ng Miagao.
Dalawang species ng mga Kabilaw o flying foxes ang nakikita rito: Ang malalapad na Large Flying Foxes (Pteropus vampyrus) at ang mas maliliit na Island Flying Foxes (Pteropus hypomelanus).
Ayon sa wildlife biologist na si Jay Fidelino, halos magkamukha ang dalawang species na tila dark o halos black ang katawan. Habang mayroon ding brown o golden brown na kulay sa kanilang leeg.
Ipinangamba naman ang pagsabit ng mga paniki sa mga kable ng kuryente na humahantong sa kanilang pagkamatay.
Nocturnal o mas aktibo sa gabi ang mga paniki, kaya tuwing liwanag ang oras ng kanilang pahinga.
Sa pagsapit ng gabi, sinakop na ng mga Kabilaw ang himpapawid, upang maghanap ng makakain sa kalapit na mga gubat.
Pagdating ng umaga, mistulang “alarm clock” ng mga residente ang ingay ng mga nagsisibalikang Kabilaw. Kumakaripas na sila na makabalik sa mga puno sa pagliwanag ng kalangitan.
Kaya naman ang mga residente sa Miagao, naging parte na ng kanilang buhay ang mga Kabilaw.
“‘Yung parang tae nila ‘pag magsampay ka, madumi 'yung sa damit,” sabi ni Ray Paulma, residente. “Nahuhulog sila, namamatay sa bubong, mabaho.”
Gayunman, hindi naiisip ng mga residente na itaboy ang mga paniki.
“Kahit nga 'yung mga dahon ipausok mo para sila umalis, bumabalik pa rin,” saad ng residente.
Kilalang carrier o tagabitbit ng iba't ibang potensyal na sakit ang mga paniki.
“Lagi silang lumilipad. So very active sila kapag lumalabas sila sa gabi. That makes them ‘yung temperature nila sa katawan nila is unusually mas mataas than humans,” ani Fedelino.
'Yung immune system kasi nila ay nag-develop such that they are more tolerant of mga viruses and bacteria sa katawan nila. So ibig sabihin no’n kahit na matataas 'yung loads ng mga viruses and bacteria sa katawan nila, hindi sila nagma-manifest ng mga sakit,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Fedelino kung paano nakakaapekto sa mga tao ang mga paniki.
“Nag-i-invade na tayong mga tao. Pumapasok na tayo du’n sa mga natural na habitats nitong mga hayop na to. So mas lumalaki 'yung mga risk ng transfer ng mga sakit dahil dumadami nang dumadami 'yung mga human- wildlife interactions,” saad niya.
Ayon naman sa pahayag ng munisipyo ng Miago, sinabi nilang kaisa sila sa pagprotekta sa mga paniki at wala silang planong itaboy ang mga ito.
Wala pa man silang natatanggap na mga reklamo mula sa mga residente, maging sa epekto nito sa kanilang kalusugan.
Dagdag ng munisipyo, naniniwala silang kayang mamuhay nang payapa ang mga maniki at mga tao sa kanilang bayan.
Nagsasagawa ang Sulu Garden Foundation ng mano-manong pagbibilang ng mga paniki para mabantayan ang populasyon ng mga kabilaw.
Ayon kay Kim Alunan, Senior Research Associate sa Sulu Garden Foundation, mayroon nang higit 7,800 na mga paniki at higit 120 na mga puno ng hanggang Hunyo 2026.
Nagsasagawa rin ang grupo ng acoustic monitoring o paggamit ng audio recorder para mapag-aralan ang behavioral patterns ng mga Kabilaw.
“Maganda talaga na alam ng mga tao kung ano exactly 'yung ang mga bats, ano 'yung importance nila. Kasi ‘yun nga 'yung sinasabi namin na you cannot protect what you you do not know,” ani Alunan.
“Tandaan lang natin na kaya namang mag-co-exist ng wildlife at ng mga tao. Para lang siyang 'yung idea na 'yung ire-respect mo 'yung mga neighbors mo. Hindi lang tao 'yung mga neighbors natin. Pati 'yung mga hayop at halaman na nasa paligid natin ay neighbors natin,” ani Fidelino. – FRJ GMA News
