Pinangasiwaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes ang panunumpa sa tungkulin ng 10 sa kaniyang mga ad interim appointees na namumuno sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno na tinawag na "best team" ng administrasyon.

Sa isang seremonya sa Malacañang Palace, nanumpa sa harap ng Pangulo ang mga sumusunod na opisyal ng Gabinete:

  • Executive Secretary Ralph Recto
  • Justice Secretary Fredderick Vida
  • Public Works Secretary Giovanni Lopez
  • Labor Secretary Francis Tolentino
  • Health Secretary Edwin Mercado
  • Environment Secretary Juan Miguel Cuna
  • Tourism Secretary Maria Bernardita Mathay
  • Transportation Secretary Vince Dizon
  • Budget Secretary Kim Robert De Leon
  • Philippine Space Agency Director General Gay Jane Perez

Bago isagawa ang kanilang panunumpa, pinuri ni Marcos ang grupo ng mga opisyal ng Gabinete, at tinawag silang "best team" na nagtipon sa Malacañang magmula pa noong panahon ng kaniyang yumaong ama, ang dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

“This is the best team ever assembled here since my father’s Cabinet,” anang Pangulo.

Noong Huwebes, pinangunahan din ni Marcos ang panunumpa sa tungkulin ni Department of Finance Secretary Frederick Go.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Recto na nagpapahiwatig ang panunumpa na nakatanggap ang mga opisyal ng Gabinete ng mga pansamantalang appointment mula sa Pangulo at nakatakda ngayong humarap sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

“Itong oath-taking ngayon ay ibig sabihin lahat kami dito ngayon, ad interim appointments ng Pangulo. Dadaan kaming lahat sa Commission on Appointments. Nakapag-submit na tayo sa Commission on Appointments,” sabi ni Recto.

May mandato ang CA na aprubahan o hindi aprubahan ang mga paghirang na ginawa ng Pangulo ng Pilipinas, kung saan kinakailangang batay sa ilalim ng 1987 Constitution ang kumpirmasyon.

Ang komisyon ay “forms part of the very delicate mechanism of checks and balances established by the Constitution to ensure that the coordinate departments of the government will function in a way that will be most conducive to the public welfare,” batay sa website nito.

Nitong nakaraang Oktubre, ipinalit ni Marcos si dating Taguig City Mayor Lino Cayetano kay Dave Gomez bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO).

Sinabi ni Marcos na pinalitan si Gomez dahil sa hindi natalakay sa CA ang kaniyang kompirmasyon bilang pinuno ng PCO.

“Na-bypass si Dave, so I guess, immediately, at least, who will take his place is Lino,” ani Marcos sa panayam sa kaniya nang panahong iyon.

Samantala, nagpalit naman sa puwesto sina Lopez at Dizon. —Jamil Santos/FRJ GMA News