Isang lalaking inutusan na mag-deliver ng mga alahas ang natangayan ng P1.8 milyong halaga ng pera at alahas matapos siyang holdapin ng riding-in-tandem sa Taguig. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage na nakaparada ang motorsiklo ng biktima sa gilid ng Pinagbuklod Street.

Ilang saglit pa, biglang dumating ang mga suspek na tinabihan ang biktima at tinutukan ng baril.

Hindi ibinigay ng lalaki ang kaniyang bag kaya puwersahan na itong hinila sa kaniya ng riding-in-tandem.

Inalis pa ng mga salarin ang helmet ng biktima kaya halos mahubaran siya para makuha ang kaniyang bag, saka agad umalis na umalis ang mga suspek.

Batay sa may-ari ng jewelry shop na pinagtatrabahuhan ng biktima, may nagbebenta sa kanila ng ginto online at sa naturang kalsada napagkasunduang magkita.

Maliban sa P360,000 sa pambayad sa gintong alahas, natangay rin ang P1.5 milyong na alahas na ihahatid sana ng biktima sa iba pang customer.

Nasa maayos namang kalagayan ang hinoldap na staff, ngunit nagka-trauma matapos ang insidente.

Ini-report na sa pulisya ng may-ari ng jewelry shop ang insidente at nagsasagawa na ng imbestigasyon.— Jamil Santos/FRJ GMA News