Lima katao kabilang ang isang batang walong-taong-gulang na babae— ang nasawi matapos sumabog at masunog ang hinihinalang ilegal na pagawaan o imbakan ng mga paputok sa gitna ng isang bukirin sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Tabo-Sili nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa video footage, madidinig ang malakas na pagsabog na nagtulot din ng malaking sunog na ikinasawi ng mga biktima, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa isang residente, mayroong mga bisita sa lugar nang mangyari ang insidente.
Rumesponde ang mga bumbero at idineklarang fire out ang sunog pagkaraan ng ilang minuto. Gayunman, lima ang nasawi habang dalawa naman ang nakaligtas.
Nasa gitna ng isang sakahan ang bahay na nasunog, na may layong humigit-kumulang 600 metro mula sa iba pang mga bahay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, hinihinalang ginamit ang bahay bilang taguan o pagawaan ng ilegal na paputok.
“Nagkaroon ng isang pinaghihinalaang imbakan o pagawaan dahil walang kaukulang permit. Sa dating piggery na dating ginagamit sa pag-aalaga ng baboy at kambing, lingid sa kaalaman ng may-ari ay mayroon pala silang imbakan o pagawaan ng paputok,” pahayag ni Malasiqui Police Station Chief P/Lt. Col. Francisco Sawadan.
Pinalibutan na ng mga awtoridad ang lugar. Nakakita ang mga pulis ng mga kahon ng baby rockets, kuwitis at mga materyales na ginagamit sa paggawa ng paputok.
Sinabi ni Sawadan na naglabas na sila ng abiso sa mga barangay upang mas mabantayan ang mga aktibidad sa kani-kanilang komunidad.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng naturang ari-arian.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga nakaligtas sa sunog. —Jean Mangaluz/FRJ GMA News
