!sang 25-anyos na graduating college student ang nasawi matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang sport utility vehicle na pa-U-turn sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pauwi na ang biktima sa Dagupan City, Pangasinan nang mangyari ang trahediya.

Ayon sa pulisya, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na minamaneho ng biktima nang mabangga nito ang SUV na pa-U-turn.

Nabagok ang ulo ng biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Kuwento ng magulang ng biktima, nakasabay pa nilang mananghalian nang araw na iyon ang anak, at pagkatapos ay inakala nilang nagtungo lang sa kuwarto.

Lingid sa kaalaman nila, tinest drive ng biktima ang motorsiklo dahil may bagong piyesa na ikinabit para subukan at ini-a-adjust umano sa bawat balik nito.

“Two times daw yun na tinesting niya tapos umalis. Saglit lang naman, balik agad. Yung pang third times yata kasi tuwing ano parang ina-adjust niya yon,” saad ng magulang.

Hindi pa umano nag-uusap ang mga kaanak ng bktima at ang driver ng SUV.

Hiling ng pamilya ng rider, maimbestigahan nang mabuti ang insidente. Habang ang driver ng SUV, wala pang pahayag.—FRJ GMA News