Kinagigiliwan ng mga bata at matatanda ang sobrang lambot na mga squishy toy, na bumabalik sa dating anyo matapos pisil-pisilin. Ngunit ang laruang magbibigay sana ng bawas-stress, naging dagdag-stress pa matapos magkapantal-pantal ang mga balat at namaga pa ang mukha ng ilang bata. Ligtas nga bang gamitin ang mga laruang ito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 6-anyos na si Allison sa Hinigaran, Negros Occidental na nagkapantal-pantal sa katawan at mukha dahil umano sa binili sa kaniyang squishy toy ng kaniyang lolo.

Nabili ni Lolo Alex ang mistulang dumpling na transparent at may glitter sa loob na squishy toy sa isang palengke sa kanilang lugar sa halagang mahigit P100.

“Oras-oras niya po nilalaro 'yung squishy. Hanggang sa pagtulog katabi niya 'yung squishy, paggising sa umaga ganu’n din po,” sabi ni Chenie Arnido, nanay ni Allison.

Sa kapipisil ni Allison sa kaniyang squishy, bigla itong pumutok at lumabas ang laman na kulay puti, na mistulang jelly. Dumampi pa ito sa balat ng bata.

Agad nilinis ang tumapon na squishy sa balat ni Allison pero unti-unti na siyang nagkapantal, mula kilay at ilong hanggang sa buo na niyang mukha. Nagkaroon din sa kaniyang tainga, leeg at bandang tiyan, ayon pa kay Chenie.

“Kada gabi lang po siya lumalabas tapos ‘pag umaga parang humuhupa. Tapos pagka ilang oras babalik na naman. Kaya suspetsa po namin, doon talaga sa squishy,” dagdag ni Chenie.

Nang ipakonsulta nila si Allison sa doktor, doon nila nalamang nagka-allergy ang bata.

Salungat ang pananaw ni Allison sa doktor na maaari lamang na dulot ito ng pagkain tulad ng fried chicken, o beddings o detergent.

“First time po ito nangyari sa anak po namin. Ganu’n po kalala ‘yung pantal niya po. Tapos po 'yung iniisip ko hindi ka makatulog kasi nga po baka lumala,” ani Chenie.

Sa kabutihang palad, humupa na ang skin allergy ni Allison matapos uminom ng gamot.

Batang namaga ang mukha at mata

Ang apat na taong gulang naman na anak ni Christine Chua na si Ainz, agad namaga ang mukha at mata ng bata kahit saglit pa lamang nitong nahawakan ang squishy na inorder online.

“‘Pag-open ko pa lang, matapang na talaga 'yung amoy niya. Hindi ko na dapat ipapalaro sa kaniya. Pero nu’ng nakita niya na squishy yung laman, na-excite siya. Inagaw niya sa akin,” sabi ni Christine.

Ilang saglit pa, bigla nang umiyak si Ainz matapos mamaga at mamula-mula ang kaniyang mata.

Nang isugod si Ainz sa ospital sinabi ng doktor na nagka-severe allergic reaction ang bata.

“First time. Never naman siya nagkaroon ng allergic reactions. Kaya ang sabi ng doctor, ang hinala niya talaga is 'yung squishy 'yung nag-cause ng severe allergic reaction,” sabi Christine.

Kailangang gamutin ang bata ng 14 araw para mawala ang allergy sa kaniyang mata. Ngunit sa ngayon, marami pa ring sugat sa paligid sa kaniyang mga mata at nagluluha pa rin siya.

Squishy toys

Gawa sa polyurethane o PU foam ang karamihan sa squishy toys, na nagbibigay sa kanila ng

malambot at spongy na texture. Ilang squishy naman ang gawa sa silicone, thermoplastic rubber o kaya PVC o polyvinyl chloride, isang klase ng synthetic plastic.

“Meron silang mga chemical na nasa gel. Merong chemical from rubber, plastic. ‘Yung iba naglalagay ng artificial coloring at saka may mga pang-aamoy. So 'yung mga ganu’ng chemicals ‘pag nalanghap or na-expose 'yung bata through skin puwedeng magkaroon ng reaction from mild to severe,” ayon sa dermatologist na si Dr. Ma. Teresa Lozano - Veroy.

Posibleng magdulot ng allergic reaction o iritasyon sa balat ang mga chemical na ito, lalo na kung mababa ang kalidad.

“‘Pag nakita natin na 'yung anak natin nakakaranas na ng symptom, unang una, ang gagawin natin tanggalin. Huwag nang ipalaro 'yung squishy toy. I-wash natin ‘yung kamay with soap and water. Kung mata naman, puwedeng i-flush with clean water. Kung 15 minutes nahirapan na huminga, namamaga 'yung labi. Consider natin na dalhin na siya kaagad sa sa ospital,” sabi pa niya.

Pahayag ng manufacturer ng squishy toy

Samantala, inilahad ng manufacturer ng squishy toy na hawig sa laruang hinawakan ni Ainz sa kanilang website na counterfeit o peke ang nahawakan ng bata.

Iginiit din nilang ligtas at lehitimo ang kanilang mga produkto. Naglahad din sila ng mga palatandaan kung orihinal o peke ang mga laruan.

Panig ng FDA

Naglabas kamakailan Food and Drug Administration o FDA ng paalala tungkol sa mga counterfeit o peke na squishy toy, matapos mapag-alaman na may mataas na level ng chemical at hazardous o delikadong substances ang mga ito.

“Sa ibang bansa, sa Austria, meron silang pag-aaral na ginawa. Nakita nila na 'yung 23 samples ng Squishy Toys, mayroong laman, 'yung puwede ding ah makaapekto sa respiratory system,” babala ni Patricia Macalinao, chemist at educator.

“So kapag patuloy po na ma-expose dito 'yung mga bata, siyempre magkakaroon po sila ng risk na magkaroon ng cancer. ‘Pag continuous 'yung exposure ay mas malaki po ang magiging risk,” sabi ni Hannah Vargas, Policy Development And Research Associate ng BAN Toxics.

Dagdag ni Vargas, nasa ilalim ng toys and child care articles ng FDA ang mga laruan, na maaaring mahanap ang barcode o SQU sa FDA website para mapatunayan kung ligtas o aprubado.

Tunghayan sa KMJS ang ilan sa mga paalala ng eksperto tungkol sa pagbili ng squishy toys. Panoorin. —FRJ GMA News