May simpleng paliwanag si Angel Castro kung bakit siya nagpalit ng screen name na dating Claire Castro.

Sa guest appearance niya sa programang "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ng aktres na nais niya kasing maiwasan na malito ang mga tao tungkol sa kaniya at kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro.

"Whenever you search for Claire, a political figure would appear at the top of the results. So, I decided to go back to my real name, just shortened," paliwanag niya.

"During the promotions for my movie, whenever people would comment, they would say 'Auntie Claire' had joined VMX. I was like, 'Oh my gosh,'" dagdag niya.

Ang "Auntie Claire" o kung minsan ay "Ante Kler" ang palayaw na ibinigay ng ilang netizens sa undersecretary na regular na nagsasagawa ng mga press briefing kasama ang media.

Hindi naman itinanggi ni Angel na kabilang sa layunin niya sa pagtanggap ng sexy projects ang maging financially independent.

Samantala, napanood noon si Angel sa GMA Afternoon Prime series na "Makiling" noong 2024. Naging bahagi rin siya ng Kapuso series na "Nagbabagang Luha" noong 2021. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA