Pumaldo ng P21 milyon ang isang ama matapos na ramaan ang lumabas na mga numero sa Lotto 6/42 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office’s (PCSO).

Sa inilabas na pahayag ng PCSO, sinabing nanalo ang mananaya sa Lotto 6/42 draw noong October 29, 2026, at kinumbra nito ang premyo noong Nobyembre 3 sa main office ng ahensiya sa Mandaluyong.

Nanalo ang mananaya sa pamamagitan ng “Lucky Pick,” at nakuha ang winning number combinations na 34-15-19-37-25-38, na may kabuuang premyo na P21,694,699.03.

Batay sa impormasyon, 20 taon nang tumataya sa lotto ang ama. Maliban sa pinili niyang mga numero, sinasamahan niya ito ng pagtaya sa pamamagitan ng Lucky Pick, o makina ang pipili ng numero.

Nalaman umano ng ama na nanalo siya nang bumalik siya sa tinayaang lotto outlet kinabukasan para tumaya ulit, at nakita ang nakapaskil na lumabas na mga numero sa Lotto 6/42.

Nang mapagtanto na tumama siya, hindi umano naiwasan ng ama na manginig ang tuhod sa pagkabigla.

Gagamitin umano ng ama ang napanalunan para maging maganda ang kinabukasan ng kaniyang pamilya at ipangpupuhunan sa pangarap na negosyo. – FRJ GMA News